Nang
makita kong nakahinto na naman ang escalator, alam kong nagsimula na naman ang araw-araw kong
ehersisyo bago pumasok sa opisina.
Nang makita ko ang tila di mahulugang karayom na dami
ng tao, alam kong nagsimula na naman ang libreng sauna ko bago pumasok sa opisina.
Nang makita ko ang halo-halong lalaki at babae sa platform, alam kong nagsisimula na naman
ang training ko sa wrestling, kick-boxing, at judo,
bago pumasok sa opisina.
Hindi naman ako nagpapayat o kaya’y nagpapalakas ng katawan,
pero ito ang itinuturo sa akin ng araw-araw na sitwasyon ko sa MRT at LRT kung
saan hindi lang ako ang nakararanas kundi pati na rin ng mahigit kalahating
milyong pasahero nito sa araw-araw.
Sabi nga sa isang biro sa Facebook, papasok ka sa MRT o LRT bilang isang estudyante, ngunit
lalabas ka rito na isang mandirigma. Nakakatawa man ang ganitong biro, parang gusto
ko itong paniwalaan. Marahil, lahat tayo’y madirigma na patuloy na lumalaban sa
simpleng pagsakay at pagbaba ng tren—sa tren ng kahirapan na patuloy lamang sa
pag-andar, ibaba man tayo sa isang destinasyon ay hindi naman natutugunan ang
tunay na problema ng bansa. Hindi ba’t nakakasawang paulit-ulit na marinig? Ngunit
oo, kahirapan. Isang isyu na matagal nang sinusubukang resolbahin pero tila
palala ito nang palala.
Saan nga ba patungo ang ating bansa?
Sa simpleng biyahe ni Nonoy patungong paaralan,
kailangan niya munang bumaba ng matarik na bundok, o kaya’y tumawid sa malawak
na dagat. Suot ang isang pares ng paa na may makapal nang kalyo, sinasalo nito
ang lahat ng lubak at putik, handang lumusong sa lahat ng klase ng dagat,
maging ang dagat ng basura.
Matapos ang ilang oras na pagba-biyahe para lamang sa
pangarap na magandang kinabukasan sa tulong ng kaalaman, sasalubong sa kanya
ang natutuklap na bubong ng eskwelahan, wala nang pintuan dahil tinangay ng
nakaraang bagyo, at mga bintanang bungi-bungi.
Pasalamat na lamang sila at hindi umuulan dahil kung
hindi, malamang ay nakababad na naman ang kanilang mga paa sa tubig, at
kanya-kanyang salok ng tumutulong tubig-ulan gamit ang mga lata.
Kasama niya roon ang mga kaklase niyang dumaan din sa
parehong kinasanayang araw-araw na pagsubok—swerte na siguro ang may isang
pares ng tsinelas, kung mayroon ma’y butas naman ang sakong.
Papasok pa lang si Nonoy. Lahat ng ito’y haharapin
niyang muli sa kanyang pag-uwi.
Saan nga ba patungo ang ating bansa?
Ayon sa pagsisiyasat ng DOH noong 2010, tatlumpung
porsyento ng Pilipino ang namamatay ng hindi nakakakita ng doktor. Kaya’t hindi
na siguro katakataka kung hindi na umabot ng buhay si Mang Gusting nang dalhin
sa ospital makalipas ang halos apat na oras na biyahe mula sa kanilang isla
patungo sa pinakamalapit na ospital ng bayan. Oo, dahil sa pulo-pulong porma ng
Pilipinas, ilang mga bayan ang kinakailangan pang bumiyahe sa bangka ng ilang
oras para lang makarating sa sentro.
Kung sakali mang umabot si Mang Gusting ng buhay, ito
naman ang aabutan niya sa ospital: Kakulangan sa espesyalistang doktor. Wala
ring kama na maaaring paghigaan kaya’t gagamitin ang lumang kama na may mantsa
pa ng dugo mula sa ibang pasyente. Wala nang kwarto at siksikan na rin sa ward
room, kaya’t sa pasilyo na lamang magpapalipas ng gabi.
Sa kahihintay ng pasyente, malamang, mauna pang
malagot ang hininga nito bago pa masagot ang tanong ng nars na, “Ano po ang
nararamdaman ninyo?”
Ano nga ba ang dapat mong maramdaman sa ganitong
sitwasyon? Sabihing masakit ang dibdib mo’t naghihingalo ka na? O masakit ang
dibdib mo dahil sa awa sa sarili, na sa mismong bayan mo, ni hindi ka man lang
madugtungan ng buhay?
At ngayon, kabuwanan naman ng biyuda ni Mang Gusting
na si Aling Tasya. Halos lahat ng kababaihan sa isla ay sanay magpaanak sa
kanilang mga sarili. Isang blade na
binabad sa alcohol ang kasangga, pikit-mata sabay mabilis na hiwa ang
magpuputol sa nag-uugnay sa ina at sanggol ng halos siyam na buwan—sariling
sikap.
Pikit-mata ring ipinagdarasal na nawa’y walang maging
kumplikasyon at impeksyon na makuha ang ina at sanggol na tila ang parehong mga
paa’y nasa hukay, na sana’y nasa ospital.
Saan nga ba patungo ang ating bansa?
Transportasyon ang isa sa pinakamahalagang paraan ng
pagkokonekta ng mahigit sa pitong libong isla ng Pilipinas. Kailangan natin ng
daanan na magkokonekta sa bawat islang ito sa kaunlaran.
Sa palagay ko, hindi lang tuwid na daan ang kailangan
ng ating bayan—kailangan natin ng daan mismo. Paano mo itutuwid ang daan, kung
wala namang daanan?
Sa totoo lang, hindi ko na maintindihan kung bakit
kailangang maglakbay sa kabundukan, tumawid sa karagatan, at makipagsiksikan sa
MRT para lang makamit ang pangarap na kasaganaan.
Hindi ko talaga maintindihan kung bakit napakahirap
bumiyahe sa ating bansa.
Kung kahit sana’y sa simpleng pagbiyahe ay masabi
natin na tayo ay maunlad. Dahil ang simpleng pagbiyahe na ito ang magkokonekta
sa atin sa mundo. Ang simpleng maayos na transportasyon ang maglalapit sa mga
kababayan natin hindi lang sa sentro ng bayan kundi pati na rin sa maayos na
kinabukasan.
Sana pwedeng ipa-MRT ang buong Pilipinas. ‘Yan ang
nasambit ng isip ko habang bumababa ng tren. Naisip ko kung paanong ang isang
mala-ahas na tren na pagkahaba-haba ay maaaring magdugtong sa bawat isla.
Isipin mo ‘yun? Walang nang dibisyon.
Hindi lang para sa kasalukuyan kundi pati na rin sa
susunod na henerasyon ang maayos na biyahe na ito. Kung maipapanganak ni Aling
Tasya ng matiwasay ang sanggol na kanyang dinadala, at kung mas iigting pa ang
pagpupursige ni Nonoy na makapagtapos ng pag-aaral, napakalaking kaluwagan sa
kanila ang maayos na biyahe na tayong mga nasa kasalukuyan lamang ang maaaring
makapagbigay sa kanila.
Napakalaking bagay ng transportasyon sa buhay ng
bawat tao. Kung may destinasyon mang dapat babaan ang bansang Pilipinas, nawa’y
sa istasyon ng matuwid na kinabukasan. Tulad ng araw-araw kong paghihintay sa
tren na magbubukas para sa akin, magta-tiyaga rin akong maghintay sa tren na patungo
sa daanang lahat tayo’y matagal nang inaasam-asam.
Pakiusap sa kasalukuyang henerasyon, sana’y walang
iwanan. ‘Wag kayong sumakay sa skipping
train at hayaan ang susunod na henerasyon na maiwan sa lugmok na sitwasyon.
-----
Ang sanaysay na ito ay opisyal na kalahok sa Saranggola Blog Awards 2014.