Tuesday, December 24, 2013

Puting Dingding

Ni Gazelle Marcaida

Nilibot ko ang aking paningin
Agad na itinanong sa akin
Ano itong panalangin?
Bakit binalot ng dilim?

Nakaposas sa nakaraan
Nakatali sa kinabukasan
Inalis, nasira, nagpumiglas,
Lumaban, nagpatuloy, sa wakas!

Sa puting dingding aking iginuhit
Hindi ang kahapon, hindi ang bukas
Kundi ang ngayong hindi magwawakas
Pagsilang ng kalayaang hindi ipagkakait

Hawak ang isang panulat
Tutuparin ang pangarap
Ako ang magtatakda ng ngayon
Walang bukas, walang kahapon

Sa pagsibol ng bagong panahon
Ang aking mundo'y magbabago
Sa guhit na mayroon ang dingding ng ngayon
Lumiwanag na ang totoo

Bawat linyang aking nilagay
Sinigurong lahat ay magkakamalay
Sa pagtatapos ng isang paraiso
Kalayaan ang aking natamo


Published in Tampipi, the Official Literary Folio of FEU Advocate, 2012

No comments:

Post a Comment