Saturday, November 15, 2014

Biyaheng MRT

Nang makita kong nakahinto na naman ang escalator, alam kong nagsimula na naman ang araw-araw kong ehersisyo bago pumasok sa opisina.

Nang makita ko ang tila di mahulugang karayom na dami ng tao, alam kong nagsimula na naman ang libreng sauna ko bago pumasok sa opisina.

Nang makita ko ang halo-halong lalaki at babae sa platform, alam kong nagsisimula na naman ang training ko sa wrestling, kick-boxing, at judo, bago pumasok sa opisina.

Hindi naman ako nagpapayat o kaya’y nagpapalakas ng katawan, pero ito ang itinuturo sa akin ng araw-araw na sitwasyon ko sa MRT at LRT kung saan hindi lang ako ang nakararanas kundi pati na rin ng mahigit kalahating milyong pasahero nito sa araw-araw.

Sabi nga sa isang biro sa Facebook, papasok ka sa MRT o LRT bilang isang estudyante, ngunit lalabas ka rito na isang mandirigma. Nakakatawa man ang ganitong biro, parang gusto ko itong paniwalaan. Marahil, lahat tayo’y madirigma na patuloy na lumalaban sa simpleng pagsakay at pagbaba ng tren—sa tren ng kahirapan na patuloy lamang sa pag-andar, ibaba man tayo sa isang destinasyon ay hindi naman natutugunan ang tunay na problema ng bansa. Hindi ba’t nakakasawang paulit-ulit na marinig? Ngunit oo, kahirapan. Isang isyu na matagal nang sinusubukang resolbahin pero tila palala ito nang palala.

Saan nga ba patungo ang ating bansa?

Sa simpleng biyahe ni Nonoy patungong paaralan, kailangan niya munang bumaba ng matarik na bundok, o kaya’y tumawid sa malawak na dagat. Suot ang isang pares ng paa na may makapal nang kalyo, sinasalo nito ang lahat ng lubak at putik, handang lumusong sa lahat ng klase ng dagat, maging ang dagat ng basura.

Matapos ang ilang oras na pagba-biyahe para lamang sa pangarap na magandang kinabukasan sa tulong ng kaalaman, sasalubong sa kanya ang natutuklap na bubong ng eskwelahan, wala nang pintuan dahil tinangay ng nakaraang bagyo, at mga bintanang bungi-bungi.

Pasalamat na lamang sila at hindi umuulan dahil kung hindi, malamang ay nakababad na naman ang kanilang mga paa sa tubig, at kanya-kanyang salok ng tumutulong tubig-ulan gamit ang mga lata.

Kasama niya roon ang mga kaklase niyang dumaan din sa parehong kinasanayang araw-araw na pagsubok—swerte na siguro ang may isang pares ng tsinelas, kung mayroon ma’y butas naman ang sakong.

Papasok pa lang si Nonoy. Lahat ng ito’y haharapin niyang muli sa kanyang pag-uwi.

Saan nga ba patungo ang ating bansa?

Ayon sa pagsisiyasat ng DOH noong 2010, tatlumpung porsyento ng Pilipino ang namamatay ng hindi nakakakita ng doktor. Kaya’t hindi na siguro katakataka kung hindi na umabot ng buhay si Mang Gusting nang dalhin sa ospital makalipas ang halos apat na oras na biyahe mula sa kanilang isla patungo sa pinakamalapit na ospital ng bayan. Oo, dahil sa pulo-pulong porma ng Pilipinas, ilang mga bayan ang kinakailangan pang bumiyahe sa bangka ng ilang oras para lang makarating sa sentro.

Kung sakali mang umabot si Mang Gusting ng buhay, ito naman ang aabutan niya sa ospital: Kakulangan sa espesyalistang doktor. Wala ring kama na maaaring paghigaan kaya’t gagamitin ang lumang kama na may mantsa pa ng dugo mula sa ibang pasyente. Wala nang kwarto at siksikan na rin sa ward room, kaya’t sa pasilyo na lamang magpapalipas ng gabi.

Sa kahihintay ng pasyente, malamang, mauna pang malagot ang hininga nito bago pa masagot ang tanong ng nars na, “Ano po ang nararamdaman ninyo?”

Ano nga ba ang dapat mong maramdaman sa ganitong sitwasyon? Sabihing masakit ang dibdib mo’t naghihingalo ka na? O masakit ang dibdib mo dahil sa awa sa sarili, na sa mismong bayan mo, ni hindi ka man lang madugtungan ng buhay?

At ngayon, kabuwanan naman ng biyuda ni Mang Gusting na si Aling Tasya. Halos lahat ng kababaihan sa isla ay sanay magpaanak sa kanilang mga sarili. Isang blade na binabad sa alcohol ang kasangga, pikit-mata sabay mabilis na hiwa ang magpuputol sa nag-uugnay sa ina at sanggol ng halos siyam na buwan—sariling sikap.

Pikit-mata ring ipinagdarasal na nawa’y walang maging kumplikasyon at impeksyon na makuha ang ina at sanggol na tila ang parehong mga paa’y nasa hukay, na sana’y nasa ospital.

Saan nga ba patungo ang ating bansa?

Transportasyon ang isa sa pinakamahalagang paraan ng pagkokonekta ng mahigit sa pitong libong isla ng Pilipinas. Kailangan natin ng daanan na magkokonekta sa bawat islang ito sa kaunlaran.

Sa palagay ko, hindi lang tuwid na daan ang kailangan ng ating bayan—kailangan natin ng daan mismo. Paano mo itutuwid ang daan, kung wala namang daanan?

Sa totoo lang, hindi ko na maintindihan kung bakit kailangang maglakbay sa kabundukan, tumawid sa karagatan, at makipagsiksikan sa MRT para lang makamit ang pangarap na kasaganaan.

Hindi ko talaga maintindihan kung bakit napakahirap bumiyahe sa ating bansa.

Kung kahit sana’y sa simpleng pagbiyahe ay masabi natin na tayo ay maunlad. Dahil ang simpleng pagbiyahe na ito ang magkokonekta sa atin sa mundo. Ang simpleng maayos na transportasyon ang maglalapit sa mga kababayan natin hindi lang sa sentro ng bayan kundi pati na rin sa maayos na kinabukasan.

Sana pwedeng ipa-MRT ang buong Pilipinas. ‘Yan ang nasambit ng isip ko habang bumababa ng tren. Naisip ko kung paanong ang isang mala-ahas na tren na pagkahaba-haba ay maaaring magdugtong sa bawat isla.

Isipin mo ‘yun? Walang nang dibisyon.

Hindi lang para sa kasalukuyan kundi pati na rin sa susunod na henerasyon ang maayos na biyahe na ito. Kung maipapanganak ni Aling Tasya ng matiwasay ang sanggol na kanyang dinadala, at kung mas iigting pa ang pagpupursige ni Nonoy na makapagtapos ng pag-aaral, napakalaking kaluwagan sa kanila ang maayos na biyahe na tayong mga nasa kasalukuyan lamang ang maaaring makapagbigay sa kanila.

Napakalaking bagay ng transportasyon sa buhay ng bawat tao. Kung may destinasyon mang dapat babaan ang bansang Pilipinas, nawa’y sa istasyon ng matuwid na kinabukasan. Tulad ng araw-araw kong paghihintay sa tren na magbubukas para sa akin, magta-tiyaga rin akong maghintay sa tren na patungo sa daanang lahat tayo’y matagal nang inaasam-asam.

Pakiusap sa kasalukuyang henerasyon, sana’y walang iwanan. ‘Wag kayong sumakay sa skipping train at hayaan ang susunod na henerasyon na maiwan sa lugmok na sitwasyon.

-----

Ang sanaysay na ito ay opisyal na kalahok sa Saranggola Blog Awards 2014.