Nakakainis.
Yung mga tao, dumidiskarte. Umiisip ng paraan para mapagaan ang sitwasyon mula sa bulok na sistemang pinapatupad sa mga tren. Pero lalo pa silang nagpapahirap.
Mahigit 2 buwan na ang nakalipas mula ng sabihin nilang magkakaroon ng bagong ticketing system. Konting pagbabago para sa transition ang magaganap.
Wala munang stored value sa mga LRT stations. Ibig sabihin nun, ang libo-libong pasahero ng LRT ay dapat pumila araw-araw para sa single journey ticket.
Sa palagay ko ay ayos lang naman yun. Isang buwan lang naman. Sabi kasi nila, July daw ipapatupad ang bagong sistema.
Nagkamali akong magtiwala sa gobyerno.
Kaya naman habang tumatagal ang pagpapatupad ng bagong sistema, ang iba, gumawa na ng paraan. Bumili ng maramihang single journey. Pang 2 araw, o kaya pang isang linggo.
Laking bawas nga naman sa oras yung pipila ka sa pagbili ng ticket bago pumila sa pagpasok mo sa tren (ibang oras din ang gugugulin mo sa pagpasok pa lang ng station).
Ngayong araw, walang abiso, hindi na pwedeng gamitin ang mga ticket na single journey. Coupon na raw ang gagamitin.
Nang itanong ko kung pwedeng papalitan na lang dahil bayad naman yun, ang sabi lang nila sa akin:
"Dapat hindi ka bumili ng madami. Expired na yan."
Buti sakin, 2 lang ang nabili kong extra. May nakita akong nagagalit na lalaki dahil pang 2 linggo ata ang binili niya. Hindi ko siya masisi.
Hindi ko maintindihan kung paano mageexpire ang ticket na hindi naman pinapasok sa makina at recycled lang mula sa ibang tren!
Maliban sa hindi pa rin napapatupad yung bagong ticketing system (na inuna nila kaysa sa mga bagong tren), e pabago-bago pa sila ng pagpapatupad sa pansamantagal nilang "transition".
Hindi ba sila nahihiya na yung mga tao pa ang umiisip ng paraan para mapagaan ang buhay tren nila?
Nakakadismaya. Sobra.